Tuesday, March 29, 2011

Sa Ilalim ng Anim na Talamapakang Lupa: Tulang tugon sa Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez

Ginawa ko para sa Klaseng Great Works - 30 Hulyo 2010 - 1:40 ng hapon

Ang kapangyarihang nagmamalabis, kalayaa'y laging tinitikis,
kundi man sa tanikala, sa salita, anupa't sa pamamagitan ng baril.
Ang mga tinig na sumisigaw sa ilang, saysay ang sanlibong pagtitiis,
Ngayo'y parang lintik sa madaling-araw, kay bilis nang masupil.

Lipas na ba ang panahon ng gobyerno't lipunang mapagmalasakit
sa manunulat na nagbabata ng takot sa bawat araw na sumapit?
Bakit tila ipis kung kitlin ang mga mamamahayag nating nagpupumilit
na maihatid sa madla ang balita't kaganapan, malaki man o maliit?

Wika nga nila'y higit ang pluma sa kahit anong espada,
ngunit paano kung ang kalaba'y punglo, pera, at granada?
Paano kung pati ang madlang sinumpaang paglingkuran
ay nagwawalang kibo, nagbibingi-bingihan, nagbubulag-bulagan?

Mula kay Marlene Esperat hanggang kay Henry Araneta,
dugo na ngayon ang kapalit ng kuro, ng puna, ng balita.
Kung noo'y laking dusa na kung isang dipang langit ang tanging masilay,
ngayon ang pluma'y binubuldoser sa anim na talampakang lupang hinukay.

Gapangan man ng bulate't agnasin ang kanilang buto,
ay ganap nang talastas ng buong mundo:
Na dito sa bansang Pilipinas ang nagsasabi ng totoo at naghahatid ng turo
binibisita ng motorsiklo't pinapakain ng punglo.

Dinig ng Bathala ang sigaw ng dugong binubo sa Ampatuan,
walang talipandas na ang sala'y hindi pinagbabayaran.
Sapagkat kung sikilin ang karapatang sumulat at magsalita,
para na ring nilagutan ng hininga, kinitil ang pulso ng bayan.

No comments:

Post a Comment