Tuesday, September 27, 2011

KIMCHI, PATIS, AT MGA BAHAGHARI SA PINOY BASKETBALL

Kahapon, nabusong kami ni Cho Sung-min. Kahapon, napatay kami ni Cho Sung-min. Sa bawat pukol niya ng tres tinarakan niya ng sibat ang baga ng lahat ng mahilig sa basketbol dito sa Pilipinas. Tinadhana yata na mangyari yon, nariyan pang si OLSEN RACELA pa ang pinili nilang magcover nung laro. Sa loob-loob ko, bakit siya? Sa dinami-rami ng basketball analyst dito sa Pinas, bakit siya? Siya pang nagmintis nung dalwang pinaka-importanteng free throw sa huling sampung taon ng basketbol sa Pilipinas. Bakit siya pang may sapi ng malas sa Korea? Mula noong sandaling iyon na marinig ko ang boses at malaman kong si Rah-Rah ang analyst, dinaga na ako. Kahit pa maswerte sa Gilas ang kasama niyang si Mico Halili. Sabi ko, bwiset naman! Sa dinami-rami ng pipiliin bakit si Olsen pa? Bakit ‘di na lang yung walang balat ng kamalasan sa Korea - si Magsanoc, o kaya si Richard del Rosario para mas nakakatawa? (kahit medyo malas sila ni Peter Martin dun sa Jordan game). Mararamdaman mo nang may masamang mangyayari, at umasa na lang akong mananaig ang ating tatag.
Ayun, umandar na ang laro. Mula simula hanggang last 5 minutes nung laro ay panalo na tayo. Nilasap talaga nina Mico (at nating lahat, malamang) ang bawat sandali nung panahon na iyon ng tagumpay na hindi rin naman pala magtatagal. Nung napanood ko kahapon yung China-Korea game at hindi ko man lang nakita ni anino ni Cho Sung-min, nakaramdam na ako ng kaba. Bakit hindi maglalaro ito eh siya ang designated shooter nila noon sa Jones Cup at sa elimination rounds? Bakit hindi naglalaro ang 2nd leading scorer nila? Kaya naman pala eh. Talagang inipon nila ang lakas niya para sa last 5 mins. Mautak talaga si Coach Hur Jae. Pakiramdam yata ng mga kalaban eh takot tayo sa kanila, para bang nababahag ang buntot natin sa tuwing papatak ang last two minutes. Sabi nga naman nila, eh noong 1999 nga, nabusong sila, bakit hindi ngayong 2011? At nangyari na ang nangyari – pasok ang fadeaway ni Kang Byung-hyun, tapos nakasulot pa siya ng agaw - na nanganak ng easy layup para kay Lee Jung-suk. Ipinasok si Cho Sung-min noong mag-lilimang minuto na lang yata ang natitira sa 4th quarter. Medyo bumilis na ang tibok ng puso ko nang maibuslo ni Cho yung una niyang tres, buti na lang nandun sina Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo at Marcus Douthit para bumawi. Eh ayun nanaman, pinanawan nanaman tayo ng espiritu nang mafoul-out si Chris Tiu dahil sa pagbabanggaan ng dalawang Korean player (Sa puntong iyon mga 19 times na ‘kong sumisigaw ng “ANG GALING MO REF!”). Mga dalawang minuto ang lumipas sumunod na nang mag-martsa si Chris Lutz. Tapos ibinuslo ni Cho yung ikalawang tres niya. Ibinaba ng Pilipinas ang bola at nag-pick-and-roll sina Kelly Williams at Jimmy Alapag. Easy (medyo hindi rin pala) two para kay Kelly dahil napaluwang ng 5/7 3-pointers ni Alapag ang driving lane. Eh putakting malakapas talaga itong si Cho - nagbuslo naman uli ng tres. Nakisama pa si Moon Tae-jong alyas Greg Cameron Stevenson na patis buong laro. Lalo akong nabubuwisit habang tumatagal ang laro at nauubos ang oras. Lagi kong sinasabi sa sarili ko kapag nagmimintis ang mga Koreano, buti na lang patis sila (kasi maalat ang shooting nila. Hindi ko po nais ipahiwatig ang anumang iba pang iniisip nyo).
Pero hindi talaga patis ang mga Koreano. Kimchi sila, maanghang, mainit, sumasagitsit. At nang maipasok ni Cho Sung-min yung corner pocket three mula sa kanang kanto (ikaapat niya), nag flat-line na ang puso ko. Lumamang nang dalawa ang Korea. 64-66 (ata? Di ko sure. Tignan nyo na lang yung play-by play kung talagang interesado kayo) mga halos isang minuto na lang ang natitira. Walang nagawa ang mga timely conversions nina Mac Baracael at Bosing Marcus Douthit para mapatibok muli ang puso ko. Sa tingin ko hindi pa naman huli ang lahat noon. Hindi kasi ako naniniwala kay Nora Aunor. Talkshit ka Nora, may himala. Kaya dasal ako nang dasal nang magsimulang magfoul yung mga player natin. Nakanampusa naman bakit si Cho pa ang finoul nyo? Ayun uli, nagbaon nanaman ng mga pako sa kabaong natin yung mamang yun. Apat na free throw ang nagsilbing pakong nagsara sa apat na kanto ng kabaong na inilagay ng Korea - sa nitsong Team Pilipinas mismo ang humukay. Ewan ko ba, naubos na nga natin yung malalaki nila pero wala pa ring nagawa. Hindi na nga nila pinalaro yung 7-3 na walking wall na si Ha Seung-jin, pero talaga yatang itinadhana nang panawan ng espiritu ang Team Pilipinas tuwing kakalabanin ang Team Korea. Mula noon hanggang nagyon, pinagmumukha nila tayong matagumpay, pero sa takipsilim ng ating pagdiriwang ay papahiran nila ng maaanghang na three-point conversions ang ating mga bungangang nagsisisgaw na ng tagumpay.
Last 30 seconds na. Parang bowling pin na itinumba ni Bosing Marcus yung mga centres ng Korea. Una si 6-9 Kim Joo-sung, tapos yung isa pang 6-9 na si Kim Jong-kyu (na halos kasingtanda ko lang), at yung unofficial bouncer ng Team Korea na si Oh Se-keun (6-7, malapad, matangkad at mahilig bumangga). Pinamartsa silang lahat palabas ni Bossing Marcus pero hindi pala sa loob magmumula ang knockout punch kundi sa perimeter area. Kelangan pa bang i-memorize yun? Eh halos maubusan na ng synonyms at versions sina Olsen at Mico para sa sentence na "We have to be wary of Korea’s three-point shooting!". Ang sakit talaga sa dibdib at kumikirot pa hanggang ngayon. 3 out of 4 si Douthit sa free throw nung last 20 seconds. Sa huli niyang mintis, nakuha ni Lassiter ang bola at naipasa niya kay Kelly Williams kaya napilitang sumabit ang Korea. Pero minana ni Kelly Williams ang kamalasan ni Olsen Racela. Mintis yung huling dalawang free throw niya. Aba'y anong gulat ko nung makuha ni Douthit yung bola! Buhay pa ang pag-asa! Pero hulaan niyo kung sino yung nakakuha ng steal: si Cho Sung-min. At yun na. Parang bahay na inanay, nagibang bigla ang pangarap nating makapanood ng Pilipinong nagba-basketball sa London. Habang matimtimang nagpaplano sa loob ang Gilas ay unti-unting nginatngat ng Korea ang mga haligi ng bahay. Sabi nga ni Olsen, sa fastbreak dinaan ng Korea ang laro, kaya nanatili silang nakakapit. Sa madaling salita, tinalo nila tayo sa sarili nating laro. 
Sa sobrang inis ko pagkatapos nung game, muntik ko nanamang paputukin ang super-lolong buchi nung ate ko. Wala na talaga ako sa mood makipag-usap. Dumiretso ako sa computer at tinype ang mahabang tiradang ito na binubuo ng halu-halong pagkabwisit at pagkadismaya kay Cho Sung-min, kay Olsen Racela, sa mga referee, sa aking sarili, sa Team Pilipinas, at sa bayan. Pare-pareho kaming umasa at nangarap na malayo ang mararating namin ngunit pagdating sa crunch time, nabusong kami. Nabusong tayo. Nabusong ako. Pinanawan tayo ng lakas, ng galing, ng diskarte – ng killer instinct. Hindi nanaman umabot. Pero hanggang sa huli ay hindi pumanaw sa mga mata ng Team Pilipinas ang puso at pagnanais. Hindi pumanaw ang pangarap. Pagkatapos ng 2-point loss na ito marami nanamang pipintas at maninisi. Marami nanamang magagalit at magrereklamo at manlalait kina Manny Pangilinan at sa Smart Gilas. Marami nanamang magsasabing mag-football na lang tayo dahil pandak tayo. Maraming mawawalan ng tiwala sa programa ng basketbol (at sports sa pangkalahatan) sa bansa. Marami rin ang magsasabing OA ako dahil sinulat ko ang anumang tawag mo rito. Dahil sinayang ko ang prec ious kuryente namin sa simpleng paglalabas ng sama ng loob dahil sa pagkatalo ng isang basketball team.
Ngunit hindi ako nagsisisi. Una, dahil nakapaglabas ako ng sama ng loob (na hindi dapat kinikimkim). Ikalawa, dahil naibulalas ko ang aking damdamin tungkol sa basketball, tungkol sa aking mga pangarap na binandila ng Team Pilipinas. Para sa akin ang sports ay isang larawan - isang repleksyon ng pangarap nating lahat bilang mga Pilipino. Tuwing nanonood tayo ng laro ng National Team nasa puso natin ang ating mga pangarap para sa ating mga sarili, mga pangarap natin para sa bayan. Na mananalo rin tayo. Na mananaig rin tayo. Na igagalang rin tayo sa komunidad ng mga bansa. Na kapag sinabi ang salitang Pilipinas ay hindi lang domestic helper, Boracay, o buko juice ang papasok sa isip nila. Na balang araw sama-sama tayong uunlad at paghahati-hatian ang bunga ng ating mga pagsusumikap.
Pero nang mapanood ko ang limang minutong paggunaw ng Olympic dream ng Team Pilipinas, naisip ko, handa na ba tayo sa crunch time? Handa na ba tayo sumagupa? O may kung anong maitim na puwersa ng karimlan na pumipigil sa atin... Minumulto ba tayo ng mga pagkakamali ng nakaraan? O talagang maalat lang ang shooting natin nung limang minutong iyon. Patis ang Pilipinas, kimchi ang Korea. Mananatili na lang ba tayong sing-alat ng patis habambuhay bagamat alam natin na kaya pa nating pasarapin ang timpla ng ating team, ng ating lipunan at ng ating bayan nang higit pa sa kahit anong kimchi?
Sa kadulu-duluhan, hindi pa tapos ang laban. nabusong man tayo ngayon, alam kong may bawi pa. May bawi pa ako. May bawi pa tayo. Tumaas na ang credit rating ng bansa. Nililinis na ang ating mga pier at paliparan. At sa 4th place finish natin sa FIBA Asia Tournament ay pamihadong tataas na ang ranking natin sa world standings. Sigurado akong malaking buntong hininga ang pinakawalan ng Jordan at Korea pagkatapos nilang kumawala sa atin. At sigurado rin ako na ginagawan na nila tayo ng scouting report, dahil sa 2013, babalikan natin sila. Sa 2013 ni hindi na masisilayan ni Cho Sung-min ang ring dahil sa mala-Mighty Bond na pagkapit ng mga perimeter players natin. Sa 2013 hihingalin lahat ng makakalaban ng Team Pilipinas dahil sa kakahabol sa ating running game. Sa 2013 hindi na iiskor nang marami si Boss Marcus dahil marami nang aagapay sa kanya. Sa 2013 hindi na tayo kakabahan o panghihinaan tuwing hahabol ng 8-0 run ang kalaban sa last two minutes ng laro. At ang lahat ay magchi-cheer – empleyado man ng Smart o San Miguel, Tsinoy man o Fil-Am, Muslim man o Iglesia. Sa 2013 matitinong tao na ang pauupuin na natin sa mga munisipyo at kapitolyo. Sa 2013 wala nang magfa-file ng Anti-Planking Bill at Clear Sidewalk Act dahil alam na ng mga mambabatas natin kung ano kahulugan ng salitang mahalaga. Pero kailangan muna nating panoorin yung game tape at i-review yung stats. Kailangan muna nating balikan kung ano ang nangyari at alamin kung bakit tayo nabusong. At higit sa lahat, kailangan pa natin mag-practice, mag-practice, at mag-practice pa uli. Ito ang panahon ng mga simula. At tulad ng ginawa ni FPJ (siya nga ba?): Kung ano ang sinimulan natin, dapat tapusin na natin. Tama na ang sisihan. Tama na ang agawan. Tama na ang tsismisan. Magpractice na tayo. Tinatawag na tayo ni Gori – TEAM! ASSEMBLE!