Monday, February 21, 2011

Critical Commentary I: Ang Pamumulitika ay Pangungulit

Madalas nating marinig ang matatanda na nagrereklamo tungkol sa mga bata. Kesyo malikot daw, hindi nakikinig, makulit, paulit-ulit, at parang may sariling mundo. Ang pakikipagusap sa mga bata ay parang paglusong sa balong malalim. Mula sa mga simpleng tanong tulad ng “Ano ang hangin?”, “Ano ang pag-ibig” o “Sino si Gloria?”, parang black hole na hinihigop ng mga bata ang pasensya ng mga nakatatanda sa pamamagitan ng walang katapusang mga tanong. Hindi nagsasawa ang mga bata sa katatanong hanggang sa pagalitan o kurutin na lang sila ng kanilang mga magulang. Maging si Rizal ay pinaalalahanan mg kanyang ina na madaling mamatay ang maraming alam. Sa madaling salita, ayaw natin ng makukulit at matatanong. Marahil nakakgulo sa isip ang akto o gawain ng pangungulit at pagtatanong. Nakakapagpabagabag kumbaga. Kapag may nagtatanong, may nagsisikap sumagot. May maghahanap ng sagot at may mangungulit at magdudukit hanggang malaman nila ang kanilang nais. At sa proseso ng kanilang pangungulit at pagdudukit ay maraming nahuhukay; maraming nauungkat; maraming nababagabag.
Tuwing Linggo isang digmaan ang nagaganap sa maraming kabahayan – sa pagitan ng mga magulang sa pinipilit magsimba ang kanilang mga anak at mga batang ayaw umalis ng bahay hangga’t hindi natatapos ang mga umaatikabong labanan sa NBA at sa Metal Fight Beyblade. Ang lagi nilang tanong: Bakit kailangang sumimba? Sasagot ang magulang: Magagalit si Lord kapag hindi ka sumimba! Sasagot ang bata: Akala ko ba mahal tayo lahat ni Lord? Bakit ayaw Niya ‘ko papanoorin ng Metal Fight Beyblade? Sasagot ulit ang magulang. Hihirit ulit ang bata at ang magulang hanggang sa magkapingutan at magkaiyakan na lang sa simbahan. Sa simpleng pagnanais nilang makapanood ng paboritong anime, nauurirat ng mga batang ito ang isang aspeto ng ating kultura: ang mga tradisyong panrelihiyon. Siguro mas napapansin pa ng mga bata ang mga hindi kayang itanong ng matatanda. Pinagkikibitang-balikat na lang dahil nakasanayan na. Eh sino bang sumanay sa atin sa mga nakasanayang bagay na ito?
Maaari bang sabihing isip-bata sina Marx, ang Frankfurt School, ang Birmingham School, at ang mga komentaristang Pranses? Marahil kung ang pagka-isip-bata ay ang pagiging makulit, matanong, at mausisa. Tulad ng mga bata, inuusisa rin ng mga Western Critical theorists ang daigdig. Ginagawa nila ito sa katulad ng paraan – walang habas na pagtatanong at paghahanap ng sagot. Si Marx inusisa ang kapitalismo. Yung mga Frankfurt scholars inusisa ang pananahimik ni Marx tungkol sa kultura. Sina Foucault inusisa ultimong mga ospital, ang sex, at kung anu-ano pa. Kaya naman sa Filipino, ang gawain ng Critical Theory ay pangungulit, paguurirat, pagatatanong. Inuudyukan tayo ng mga taong ito na kulitin at usisain ang ating kapaligiran, ang ating kultura, ang ating pamumuhay, at ang mismong mga teorya nila. Malugod kong tinantanggap ang kanilang paanyaya. 
Ngayon pagkakataon ko nang chikahin at kulitin ang mga promotor ng mga pangungulit sa kultura - ang mga tinitingala (o kinaiinisang) sina Marx, Adorno, Marcuse, atbp. Sabi nila, ang kasaysayan ng daigdig ay ang kasaysayan ng away. Away sa pagitan ng mahihirap at mayayaman, sa pagitan ng mga boss at empleyado, sa pagitan ng timawa at ng maharlika (dahil may laban nga ba ang mga alipin?). Sabi pa nilang nagtatag ng Frankfurt School, kinakasangkapan ng mayayaman at ng kapitalista ang kultura upang magpayaman at manatiling mayaman. Para bagang sinasabi na ang kapitalismo ay anging self-managing, parang naka auto-pilot na alam na ang gagawin kung may sisipot na kaguluhan at banta sa kanilang paghahari. Ang kapitalismo ay naging ideolohiya - por short - nakasanayan na. 
Can culture be mass-produced? Maaari bang gumawa ng kultura na parang sardinas na inilalata at ibinenbenta ng mura para sa mga masa? Siguro nga - kasi may Hollywood, may Regal Films, may The Buzz, may ABS-CBN, at may Fox. Aba'y pwede nga! Tulad ng sardinas na may iba't ibang flavor at tatak, ang kulturang de-lata ay may iba't iba ring lasa at tatak. Mayroong palabas para sa mga maybahay at katulong; palabas para sa mga "tweens"; palabas para sa mga ama ng tahanan, palabas para sa mga maliliit na bata, etc. 


Sa balita, may barilan, sampalan, sigawan, dugo, tsismis at mga seksing babae. Ganoon din sa telenobela. Sa fantaserye. Sa Reality show. Iba-iba man ang pampalasa, lahat galing pa rin sa sardinas. Kaya naman tulad ng sardinas, lagi ring binabalik-balikan ang telebisyon. 
Ang mga bagong mukha ng Balita.

Wala na bang pag-asa? Habambuhay na lang ba tayong susubuan ng kulturang de-lata? Sa tingin ko, dahil sa Internet, mas madali na para sa masa na gumawa ng sarili nilang kultura. Noon pa man, kinikilala na ang hip-hop at rap sa pagkaugat nito sa masa (Amerikanong masa nga lang). Pero ngayon, ginagamit na ng mahihirap ang rap (O 'di ba, rhyming?) bilang paraan ng expression. Noon mga mayayaman lang na tulad ni Francis M. ang nagra-rap. Pero ngayon, mayroon nang iba. Nandyan si Gloc-9, ang Salbakuta, Gagong Rapper, at sa bawat barangay, may rap group. Lahat sila nagkukuwento ng kanya-kanyang istorya. Iba't ibang pinanggalingan, iba't ibang kapaligiran.  
Ganito ang karanasang inihahatid ng kultura ng masa. Pangungulit din sa mga nakaupo sa mga "upuang pinag-aagawan". Subukan nyo namang tumayo! 
Sa tingin ko, gustong ipahiwatig ng Frankfurt School at ng mga Birmingham theorist; maging nga mga feminista at nina Foucault; ang isang mensahe: ang bawat tao ay pulitiko. Ang buhay ay may pulitika. Hindi lamang mga halal na taong naka-barong ang may karapatang mamulitika. Bawat tao ay maaaring makibahagi sa pulitika sa pamamagitan ng pangungulit. Sa pamamagitan ng walang habas na pagtatanong at paghahanap ng sagot. Sa pamamagitan ng pagpapalipat-lipat ng TV channel. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng dyaryo. Sa pamamagitan ng pakikipag-away sa bundat na traffic enforcer. Sa pamamagitan ng pagkanta. Ng pagsayaw. Ng pagsali sa Showtime. Ng pagpopost ng video sa YouTube. Maraming paraan ng pamumulitika. At hindi masama ang mamulitika. (Eh sino bang nagsabi non?) Hindi masama ang maging makulit, kung may buti itong ihahatid.

(Itutuloy...)

Video galing dito at dito. Pictures galing dito, dito, at dito.




             

Saturday, February 19, 2011

MARABAHAYA: Danger ahead

Katatapos lang i-discuss sa klase ang mga kaisipan ng Postcolonialism. Layunin ng mga Postcolonialist tulad nina Frantz Fanon atbp na labanan ang nagpapatuloy na impluwensiya ng kolonisasyon sa daigdig. Hindi natatapos ang pananakop sa pag-alis ng mga sundalo at sa pagshi-shake hands ng mga presidente. Nagpapatuloy ang mapanakop na gawain ng mga Kanluraning bansa sa pamamagitan ng kung anu-anong paraan: madadayang trade agreement, pautang (IMF ba), at higit sa lahat, sa pamamaraang kultural.

Kaya inuudyukan nina Fanon na saliksikin nating mga Postcolonial peoples ang ating nakaraan, ang ating alaala't gunita. Bakasakaling may matagpuan pa tayo roong mga kaisipan at mga kaanyuang TALAGANG atin. Mula rito ay sikapin nating bumuo ng panibagong pagkatao at pagkakakilanlan bilang isang bansa.

At dahil diyan, ipapakita ko ang videong ito upang magsilbing halimbawa.



Para sa kaunting background, ang pangalan nila ay Project E.A.R., short por East Asia Revolution. Isa itong collaboration ng anim na bandang mula sa ASEAN. (Kaya dapat siguro Project S.E.A.R.)

Ang mga banda:

1. Pop Shuvit (Malaysia)
2. Slapshock (Philippines)
3. Saint Loco (Indonesia)
4. Ahli Fiqir (Singapore)
5. Thaitanium (Thailand)
6. Silksounds (Thailand)


Ang tanong, isa ba itong obrang postcolonial? Postcolonial ba yung pagsasama ng Kanluraning musika at Silanganing wika? Sinamahan pa ng lyrics na nagpapakita ng ASEAN pride? Kayo ang humusga...


 Video galing dito, Background Info galing ditoat dito.