Wednesday, January 12, 2011

Sino ka? (Kung bakit mahilig akong kumain ng lugaw, pares at pagkaing-kalye))

Marami na akong ginawang blog dati, para sa kung anu-anong requirement sa school. Subalit naiiba ang blog na ito dahil balak ko itong ipagpatuloy nang matagal, hindi tulad ng ibang blog na sinimulan ko noon. May ganoon talaga akong ugali - hindi tinatapos ang sinimulan. Ganoon ako. Bukod pa roon, mahilig din akong magbasa, manood ng anime, ng mga palabas ng Iglesia ni Cristo, ng basketbol, bilyar, volleyball, at football, ng mga documentaries at mga Koreanovela. Ayoko ng telenovela at ng showbiz talk show (pero mahilig ako sa tsismis). Mahilig din akong kumain ng lugaw at ng pares hindi lang dahil masarap,  nagkaroon din ako ng mga mahahalaga at magagandang karanasan sa buhay dahil dito.

Dating garment subcontractor si Papa. Ang siste, gumagawa sila ng job order mula sa mas malalaking contractor para sa mga iniluluwas na produkto (exports) tulad ng jacket at sweater. Noong nasa elementary pa ako, sumasama ako kay Papa sa Makati tuwing kumukuha siya ng tsekeng bayad sa mga natapos na job order. Kung walang benta sa Europa, mahina rin ang aming kita. Tapos gagahulin ka pa sa oras ng makukulit na mga quality inspector at mapangmatang mga contractor (na karamihan ay Chinese at Indian, kaya siguro ako takot sa kanila hanggang ngayon). Pahirapang makakubra ng tsekeng pambayad. Ikakaltas sa amin ang sinulid, ang extrang tela, ang mga reject na tahi. Hindi na nga sigurado, maliit pa ang kita. Kaya naman pina-pampalubag-loob namin ang lugaw ni Manong sa kanto ng EDSA-Mantrade. Kasabay kong kumakain ang mga kaminero, taxi driver, mga mensahero, at kung sinu-sinong pang taong lugaw lang ang naaabot ng pera. Dala nila ang kani-kanilang kuwentong-buhay, mga babaerong kaminero, drayber na lubog sa utang, empleyadong laging napapagalitan. Sahod na nagbababaan, presyong nagtataasan. Mga congressman at basketbolista. Tsismis tungkol sa baklang bisor at lalakerong bosing na kinukuwento ng mga sikyung nakikipag-flirt sa mga mahiyaing sekretarya. Sa kanila ko unang narinig ang mga hirap ng buhay ng mga nagtatrabaho sa bansang Pilipinas. Sa Makati ko unang nakita kung ang malaking agwat ng mayaman at mahirap. Nagkakape ang mga bossing sa Starbucks habang kumakain ng pares at tokwa't baboy ang mga trabahador nila sa labas. Tapos idaragdag pa ni Papa ang mga kuwento niya. 'Yung contractor naming Bumbay na masakit raw magsalita, 'yung mga dati niyang among Intsik na ubod ng kuripot, at iba pang buhay-buhay  sa garments industry. Sa madaling salita, ayon kay Papa, namamatay na ang industriya ng tela at pananahi sa Pilipinas.

Ang mga lugaw break naming ito ni Papa ay isa lamang sa mga karanasang bumuo sa tagpi-tagpi kong pagkatao. Maikukuwento ko pa sa iyo ang ibang detalye ng buhay ko, pero siguradong hindi ka makikinig (^_^). May nagsabi na ang tao ay ang sumatotal ng lahat niyang karanasan. Kung gayon, sumatotal ako ng lugaw, ng pares, ng Catholic school, ng palengke, ng Ghost Fighter at Mojacko, ng Divisoria, ng science high school, ng DotA, ng Lingguhang misa, ng Batangas, ng Aklan, ng tex at pellet gun, at ng kung anik-anik pang tao, bagay, hayop, lugar, at pangyayari. Ito ang aking pagkatao - ang sumatotal ng aking mga karanasan, kaisipan, katuwaan, kalungkutan, pagkilos, at paniniwala. Hinubog ako ng simbahan, ng palengke, ni Papa, ni Mama, ni Ate, ni Lola, ni Sir, ni Ma'am, ng classmate ko, ng Channel 7, ni Son Goku. Ito raw ang aking identity.