Tuesday, September 27, 2011

KIMCHI, PATIS, AT MGA BAHAGHARI SA PINOY BASKETBALL

Kahapon, nabusong kami ni Cho Sung-min. Kahapon, napatay kami ni Cho Sung-min. Sa bawat pukol niya ng tres tinarakan niya ng sibat ang baga ng lahat ng mahilig sa basketbol dito sa Pilipinas. Tinadhana yata na mangyari yon, nariyan pang si OLSEN RACELA pa ang pinili nilang magcover nung laro. Sa loob-loob ko, bakit siya? Sa dinami-rami ng basketball analyst dito sa Pinas, bakit siya? Siya pang nagmintis nung dalwang pinaka-importanteng free throw sa huling sampung taon ng basketbol sa Pilipinas. Bakit siya pang may sapi ng malas sa Korea? Mula noong sandaling iyon na marinig ko ang boses at malaman kong si Rah-Rah ang analyst, dinaga na ako. Kahit pa maswerte sa Gilas ang kasama niyang si Mico Halili. Sabi ko, bwiset naman! Sa dinami-rami ng pipiliin bakit si Olsen pa? Bakit ‘di na lang yung walang balat ng kamalasan sa Korea - si Magsanoc, o kaya si Richard del Rosario para mas nakakatawa? (kahit medyo malas sila ni Peter Martin dun sa Jordan game). Mararamdaman mo nang may masamang mangyayari, at umasa na lang akong mananaig ang ating tatag.
Ayun, umandar na ang laro. Mula simula hanggang last 5 minutes nung laro ay panalo na tayo. Nilasap talaga nina Mico (at nating lahat, malamang) ang bawat sandali nung panahon na iyon ng tagumpay na hindi rin naman pala magtatagal. Nung napanood ko kahapon yung China-Korea game at hindi ko man lang nakita ni anino ni Cho Sung-min, nakaramdam na ako ng kaba. Bakit hindi maglalaro ito eh siya ang designated shooter nila noon sa Jones Cup at sa elimination rounds? Bakit hindi naglalaro ang 2nd leading scorer nila? Kaya naman pala eh. Talagang inipon nila ang lakas niya para sa last 5 mins. Mautak talaga si Coach Hur Jae. Pakiramdam yata ng mga kalaban eh takot tayo sa kanila, para bang nababahag ang buntot natin sa tuwing papatak ang last two minutes. Sabi nga naman nila, eh noong 1999 nga, nabusong sila, bakit hindi ngayong 2011? At nangyari na ang nangyari – pasok ang fadeaway ni Kang Byung-hyun, tapos nakasulot pa siya ng agaw - na nanganak ng easy layup para kay Lee Jung-suk. Ipinasok si Cho Sung-min noong mag-lilimang minuto na lang yata ang natitira sa 4th quarter. Medyo bumilis na ang tibok ng puso ko nang maibuslo ni Cho yung una niyang tres, buti na lang nandun sina Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo at Marcus Douthit para bumawi. Eh ayun nanaman, pinanawan nanaman tayo ng espiritu nang mafoul-out si Chris Tiu dahil sa pagbabanggaan ng dalawang Korean player (Sa puntong iyon mga 19 times na ‘kong sumisigaw ng “ANG GALING MO REF!”). Mga dalawang minuto ang lumipas sumunod na nang mag-martsa si Chris Lutz. Tapos ibinuslo ni Cho yung ikalawang tres niya. Ibinaba ng Pilipinas ang bola at nag-pick-and-roll sina Kelly Williams at Jimmy Alapag. Easy (medyo hindi rin pala) two para kay Kelly dahil napaluwang ng 5/7 3-pointers ni Alapag ang driving lane. Eh putakting malakapas talaga itong si Cho - nagbuslo naman uli ng tres. Nakisama pa si Moon Tae-jong alyas Greg Cameron Stevenson na patis buong laro. Lalo akong nabubuwisit habang tumatagal ang laro at nauubos ang oras. Lagi kong sinasabi sa sarili ko kapag nagmimintis ang mga Koreano, buti na lang patis sila (kasi maalat ang shooting nila. Hindi ko po nais ipahiwatig ang anumang iba pang iniisip nyo).
Pero hindi talaga patis ang mga Koreano. Kimchi sila, maanghang, mainit, sumasagitsit. At nang maipasok ni Cho Sung-min yung corner pocket three mula sa kanang kanto (ikaapat niya), nag flat-line na ang puso ko. Lumamang nang dalawa ang Korea. 64-66 (ata? Di ko sure. Tignan nyo na lang yung play-by play kung talagang interesado kayo) mga halos isang minuto na lang ang natitira. Walang nagawa ang mga timely conversions nina Mac Baracael at Bosing Marcus Douthit para mapatibok muli ang puso ko. Sa tingin ko hindi pa naman huli ang lahat noon. Hindi kasi ako naniniwala kay Nora Aunor. Talkshit ka Nora, may himala. Kaya dasal ako nang dasal nang magsimulang magfoul yung mga player natin. Nakanampusa naman bakit si Cho pa ang finoul nyo? Ayun uli, nagbaon nanaman ng mga pako sa kabaong natin yung mamang yun. Apat na free throw ang nagsilbing pakong nagsara sa apat na kanto ng kabaong na inilagay ng Korea - sa nitsong Team Pilipinas mismo ang humukay. Ewan ko ba, naubos na nga natin yung malalaki nila pero wala pa ring nagawa. Hindi na nga nila pinalaro yung 7-3 na walking wall na si Ha Seung-jin, pero talaga yatang itinadhana nang panawan ng espiritu ang Team Pilipinas tuwing kakalabanin ang Team Korea. Mula noon hanggang nagyon, pinagmumukha nila tayong matagumpay, pero sa takipsilim ng ating pagdiriwang ay papahiran nila ng maaanghang na three-point conversions ang ating mga bungangang nagsisisgaw na ng tagumpay.
Last 30 seconds na. Parang bowling pin na itinumba ni Bosing Marcus yung mga centres ng Korea. Una si 6-9 Kim Joo-sung, tapos yung isa pang 6-9 na si Kim Jong-kyu (na halos kasingtanda ko lang), at yung unofficial bouncer ng Team Korea na si Oh Se-keun (6-7, malapad, matangkad at mahilig bumangga). Pinamartsa silang lahat palabas ni Bossing Marcus pero hindi pala sa loob magmumula ang knockout punch kundi sa perimeter area. Kelangan pa bang i-memorize yun? Eh halos maubusan na ng synonyms at versions sina Olsen at Mico para sa sentence na "We have to be wary of Korea’s three-point shooting!". Ang sakit talaga sa dibdib at kumikirot pa hanggang ngayon. 3 out of 4 si Douthit sa free throw nung last 20 seconds. Sa huli niyang mintis, nakuha ni Lassiter ang bola at naipasa niya kay Kelly Williams kaya napilitang sumabit ang Korea. Pero minana ni Kelly Williams ang kamalasan ni Olsen Racela. Mintis yung huling dalawang free throw niya. Aba'y anong gulat ko nung makuha ni Douthit yung bola! Buhay pa ang pag-asa! Pero hulaan niyo kung sino yung nakakuha ng steal: si Cho Sung-min. At yun na. Parang bahay na inanay, nagibang bigla ang pangarap nating makapanood ng Pilipinong nagba-basketball sa London. Habang matimtimang nagpaplano sa loob ang Gilas ay unti-unting nginatngat ng Korea ang mga haligi ng bahay. Sabi nga ni Olsen, sa fastbreak dinaan ng Korea ang laro, kaya nanatili silang nakakapit. Sa madaling salita, tinalo nila tayo sa sarili nating laro. 
Sa sobrang inis ko pagkatapos nung game, muntik ko nanamang paputukin ang super-lolong buchi nung ate ko. Wala na talaga ako sa mood makipag-usap. Dumiretso ako sa computer at tinype ang mahabang tiradang ito na binubuo ng halu-halong pagkabwisit at pagkadismaya kay Cho Sung-min, kay Olsen Racela, sa mga referee, sa aking sarili, sa Team Pilipinas, at sa bayan. Pare-pareho kaming umasa at nangarap na malayo ang mararating namin ngunit pagdating sa crunch time, nabusong kami. Nabusong tayo. Nabusong ako. Pinanawan tayo ng lakas, ng galing, ng diskarte – ng killer instinct. Hindi nanaman umabot. Pero hanggang sa huli ay hindi pumanaw sa mga mata ng Team Pilipinas ang puso at pagnanais. Hindi pumanaw ang pangarap. Pagkatapos ng 2-point loss na ito marami nanamang pipintas at maninisi. Marami nanamang magagalit at magrereklamo at manlalait kina Manny Pangilinan at sa Smart Gilas. Marami nanamang magsasabing mag-football na lang tayo dahil pandak tayo. Maraming mawawalan ng tiwala sa programa ng basketbol (at sports sa pangkalahatan) sa bansa. Marami rin ang magsasabing OA ako dahil sinulat ko ang anumang tawag mo rito. Dahil sinayang ko ang prec ious kuryente namin sa simpleng paglalabas ng sama ng loob dahil sa pagkatalo ng isang basketball team.
Ngunit hindi ako nagsisisi. Una, dahil nakapaglabas ako ng sama ng loob (na hindi dapat kinikimkim). Ikalawa, dahil naibulalas ko ang aking damdamin tungkol sa basketball, tungkol sa aking mga pangarap na binandila ng Team Pilipinas. Para sa akin ang sports ay isang larawan - isang repleksyon ng pangarap nating lahat bilang mga Pilipino. Tuwing nanonood tayo ng laro ng National Team nasa puso natin ang ating mga pangarap para sa ating mga sarili, mga pangarap natin para sa bayan. Na mananalo rin tayo. Na mananaig rin tayo. Na igagalang rin tayo sa komunidad ng mga bansa. Na kapag sinabi ang salitang Pilipinas ay hindi lang domestic helper, Boracay, o buko juice ang papasok sa isip nila. Na balang araw sama-sama tayong uunlad at paghahati-hatian ang bunga ng ating mga pagsusumikap.
Pero nang mapanood ko ang limang minutong paggunaw ng Olympic dream ng Team Pilipinas, naisip ko, handa na ba tayo sa crunch time? Handa na ba tayo sumagupa? O may kung anong maitim na puwersa ng karimlan na pumipigil sa atin... Minumulto ba tayo ng mga pagkakamali ng nakaraan? O talagang maalat lang ang shooting natin nung limang minutong iyon. Patis ang Pilipinas, kimchi ang Korea. Mananatili na lang ba tayong sing-alat ng patis habambuhay bagamat alam natin na kaya pa nating pasarapin ang timpla ng ating team, ng ating lipunan at ng ating bayan nang higit pa sa kahit anong kimchi?
Sa kadulu-duluhan, hindi pa tapos ang laban. nabusong man tayo ngayon, alam kong may bawi pa. May bawi pa ako. May bawi pa tayo. Tumaas na ang credit rating ng bansa. Nililinis na ang ating mga pier at paliparan. At sa 4th place finish natin sa FIBA Asia Tournament ay pamihadong tataas na ang ranking natin sa world standings. Sigurado akong malaking buntong hininga ang pinakawalan ng Jordan at Korea pagkatapos nilang kumawala sa atin. At sigurado rin ako na ginagawan na nila tayo ng scouting report, dahil sa 2013, babalikan natin sila. Sa 2013 ni hindi na masisilayan ni Cho Sung-min ang ring dahil sa mala-Mighty Bond na pagkapit ng mga perimeter players natin. Sa 2013 hihingalin lahat ng makakalaban ng Team Pilipinas dahil sa kakahabol sa ating running game. Sa 2013 hindi na iiskor nang marami si Boss Marcus dahil marami nang aagapay sa kanya. Sa 2013 hindi na tayo kakabahan o panghihinaan tuwing hahabol ng 8-0 run ang kalaban sa last two minutes ng laro. At ang lahat ay magchi-cheer – empleyado man ng Smart o San Miguel, Tsinoy man o Fil-Am, Muslim man o Iglesia. Sa 2013 matitinong tao na ang pauupuin na natin sa mga munisipyo at kapitolyo. Sa 2013 wala nang magfa-file ng Anti-Planking Bill at Clear Sidewalk Act dahil alam na ng mga mambabatas natin kung ano kahulugan ng salitang mahalaga. Pero kailangan muna nating panoorin yung game tape at i-review yung stats. Kailangan muna nating balikan kung ano ang nangyari at alamin kung bakit tayo nabusong. At higit sa lahat, kailangan pa natin mag-practice, mag-practice, at mag-practice pa uli. Ito ang panahon ng mga simula. At tulad ng ginawa ni FPJ (siya nga ba?): Kung ano ang sinimulan natin, dapat tapusin na natin. Tama na ang sisihan. Tama na ang agawan. Tama na ang tsismisan. Magpractice na tayo. Tinatawag na tayo ni Gori – TEAM! ASSEMBLE!

Wednesday, March 30, 2011

POLITICAL ANALYSIS OF A CULTURAL SPACE - Sino ba ang tunay na Bossing?: Pulitika sa Espasyo ng "Who Wants to be a Millionaire"

Walang-wala kami noong Hunyo. Nagkasakit si Papa, napakaraming paper na isusulat, at kailangang mag-internet sa bahay para makapag-research. Kailangan ko ng laptop!!!!! Pero saan naman ako kukuha ng pera? Alanganamang humingi pa ako sa tatay ko, eh may sakit na nga siya. Wala na kaming maisip na ibang paraan...
Sasali ako sa Who Wants to be a Millionaire!
Ano nga naman bang mawawala? Magtetext lang at maghihintay ng resulta. Ika nga, walang nananalong hindi tumataya. Kaya nag-text ako sa 2256. Nagbabakasakali. Nagdarasal. Naghihintay nga lang ba ako sa wala? Baka naman mag-rely sila... Lumipas ang ilang linggo...
Nakatanggap ako ng text mula sa isang di-kilalang number. Pinapapunta ako sa TV5 office, dun sa Novaliches. Ako naman, di agad naniwala. Sinabi ko kay Mama at Papa, at pinapunta nila ako doon. Sumakit pa nga ang ulo ko dahil pinag-awayan pa nila kung tutuloy ba ako o hindi. Mahirap kasing magtiwala ang nanay ko. Baka text scam nga lang naman ito, at huhuthutan lang ako ng pamasahe. Dalawang araw nagmistulang Kongreso sa bahay namin sa kaakdebate naming tatlo kung tutuloy ba ako o hindi sa Novaliches, upang sumugal sa isang pagkakataong maaaring hindi na ulit dumating.
Matapos ang sigawan at diskusyon, tumuloy rin ako. First time kong pupunta sa lugar na nasa mas malayong hilaga kaysa UP Diliman. Naka smart-casual pa ako at may dalang papeles na animo'y maga-apply ng visa sa embassy. Umalis na ako ng bahay at sinimulan ang paglalakbay ko tungo sa limpak-limpak na salapi...

Audition
Matapos lamang ang dalawa't kalahating oras na biyahe ay nakarating ako sa TV5 Studios nang alas-nuwebe y medya nang umaga. Iginala ko ang aking paningin sa paligid at nakakita ako ng kumpol ng tao. Nakapila, may hinihintay. Ginamit ko ang SP method ng pakikiramdam upang malaman na ito nga ang pila para sa Who Wants. May apat na oras akong nakatanga sa maliit na shed kung saan nagsisiksikan ang may 150 na kalalakihan. Pinauna raw kasi sa exam ang mga babae kaya sa hapon pa kami. Iyon pala ang unang bahagi ng audition: ang written exam. Para kaming mga estudyanteng kakaba-kaba. Merong iba na may dalang mga reviewer, mga trivia books, at dyaryo (baka raw kasi magtanong ng current events). Nakatawag ng aking pansin ang isang mamang bungal na pinagititinginan ng ibang tao doon sa shed. 

Ang madaldal na mamang bungal ay si Mang Rodrigo Lozon, alyas Drigo, na nauna nang sumali sa Talentadong Pinoy. "Binuhay niya ang katawang-lupa" ni Rosanna Roces sa kanyang mga rendisyon ng Ne-Yo songs with matching kwelang dance moves. Subalit noong araw na iyon ay mukha siyang genius. Game siyang nakikipag-usap sa ibang contestant, nagkukuwento ng kanyang mga karanasan bilang Professional Game Show Contestant. Hindi niya ipinagdadamot ang kanyang mga tips at kuwento tungkol sa kanyang pagpila sa ABS-CBN at sa TV5. Iyon ang unang pagkakataon kong makakita ng isang professional game show contestant. Kinabahan ako sa kanya dahil napakarami niyang alam na mga trivia na ibinubulalas niya sa kung sinumang handang makinig. Handang-handa siya dahil ikatlong pagkakataon na niyang mag-audition.
Tulad ng bida sa ating mga pelikula, mayroon ding mga miron itong si Manong Drigo, na kahati niya sa kanilang "secret reviewer". Wala silang kakaba-kaba sa katawan dahil alam na raw nila ang maaaring mga itanong. Napasali ako sa umpukan nina Manong Drigo. Inurirat nila ako: taga-saan ako, na kesyo ang bata ko pa raw, saan daw ako nag-aaral. Hindi naman ako nagtago sa kanila na sa DLSU ako nag-aaral. Ang reaksyon nila: Naku, kumpitensiya ito! Natawa na lang ako dahil alam kong hindi talaga ako handa sa exam. Hanggang sa mga panahong ito ay inaakala ko pa rin kasing biro lang ang lahat.
Si Mang Drigo at ang mga miron niya ang unang mga tauhang na-engkuwentro ko sa kuwentong ito.
Galing sa iba't ibang sulok ng Luzon ang mga nakasabay ko roon. May taga-Cavite, taga-Rizal, taga-Bulacan. Mayroon ding tumawid lang at nasa TV5 na. Si Mang Drigo, taga-Tondo. Lahat kami ay dinala sa Novaliches ng aming pagnanais na manalo ng kaunting salapi para mabili ang aming mga pangangailangan.
Habang lumalapit ang itinakdang oras para sa aming exam ay sumimbuyo ang aking kaba. Sayang naman kung magkakalat lang ako sa exam, pero paano namang hindi ako magkakalat eh hindi nga ako nakapag-review? May assignment pa nga ako na dapat gawin. At heto pa, nagmistulang Moises si Manong Guard na bumababa ng bundok Horeb para ibalita sa amin kung pwede na kaming pumasok. Siya ang ikalawang tauhan sa pulitika ng aking karanasan sa game show.
Dumating na ang oras na pinakahihintay. Pinapila na kami at pinapasok sa masikip na gate ng istasyon. Dama sa buong paligid ang tensyon, na pinalala pa ng amoy ng pintura. Nagtagal pa kami ng may isang oras sa anteroom ng exam venue dahil by batches daw ang exam. 
Mga alas-dos nang hapon nang dalhin kami sa basement garage ng TV5. Akala ko kung ano na ang gagawin sa amin nang paupuin kami sa mga exam chair. Ipinamigay na ang questionnaires at ang application form. Tulad ng lahat ng kumpanya, may burukrasya rin ang game show. At ang unang mukha ng burukrasyang ito para sa akin ay isang baklaing mamang mukhang goon. Mayroon siyang dating na hindi ko maipaliwanag, pero natatagpuan lamang iyon sa mga empleyado ng malalaking TV station. Para bang may ere ang mga taong ito na hindi ko maipaliwanag.
Nagfill-up na kami ng form at kumuha na ako ng exam. Maaga kong natapos ang exam dahil hndi ko akaling medyo madali naman pala. Sa tantiya ko ay 80% ng Lasallians ay papasa. Sinuwerte akong nakapasa. Pati si Manong Drigo nakapasa rin. Parang bar exam ang atmosphere habang isa-isang tinatawag ang pangalan ng mga pumasa. Umuwi akong punung-puno ng pag-asa at pag-aabang sa text na darating daw sa loob ng limang araw.

Ang Relasyon ng mga Kapangyarihan sa Backstage ng Isang Game Show

Pagkatapos ng aking klase sa GOVESEA ay dumiretso ako dun sa Eurotel sa tapat ng SM North EDSA. Doon ko unang naka-engkwentro ang mga kasabayan ko sa taping (naubusan pa nga ako ng pagkain). Doon ko rin unang naka-engkwentro si Kuya (o Ate?) Allan. Isa siya sa mga galamay ng production team na umaasikaso sa mga contestant. Siya ang nagsasabi sa amin kung ano ang gagawin, saan uupo, saan pupunta, at iba pa. Kumbaga, sagot niya kami hanggang sa makarating kami sa studio. 
Yung taping mismo ay ginanap sa isang studio sa may Cainta. Parang garahe lang ng trak ang lugar, na may magandang building sa harap. Pagpasok lang namin sa loob saka ko na-realize na studio nga iyon. Pinakain kami at binigyan ng 300 pesos na pamasahe pauwi (Feeling ko noon panalo na ako). Dumating ang wardrobe director ng show at kinilatis ang aming mga suot na damit. (Nga pala, pinagdala akmi ng extrang damit at may dress code na smart casual). May mga damit na rineject dahil pangit daw ang dating sa katawan. May nagmumukhang manang. Yung damit ko raw na striped polo ay magdudulot ng seizure sa mga bata pag napanood sa TV. Hindi pa man nagsisimula ang show ay binobomba na kami ng utos. Bawal ito, gawin mo yan, isuot mo 'to. May naka-ready pa silang plantsa in case raw na magusto ang mga damit namin. Nakalibre tuloy ako ng plantsa, sana dinala ko na rin ung bagong laba sa bahay. Censorship in the name of beauty. Noon ko unang napagtanto ang mga hirap ng pagsali sa game show. Kasi kailangan may taste ka sa fashion para hindi mahirapan sa iyo ang mga tao sa wardrobe (Binabati ko nga pala si Ate baklang nagmake-up sa akin. Sayang at hindi ko nasabi sa kanya na kamuha niya sa Arwind Santos. Binabanggit ko ito dahil napakaraming bakla doon sa set. Ang mundo ng telebisyon ay isang mundo kung saan tanggap ang lahat ng uri ng tao - girl, boy, bakla, tomboy, butiki, baboy. Basta makatutulong ka sa layunin ng pagpapataas ng ratings ay pasok ka. Lalo na ngayong patok ang mga bakla sa showbiz, ay ginagawa nila itong teritoryo kung saan sila ay tanggap para sa kanilang natatanging mga kakayahan).
Naramdaman ko rin na parang nagamit ako noong sumali ako sa Who Wants. Siguro lahat ng taong pinaghintay ng mahigit siyam na oras para sa maliit na tsansang manalo ng kaunting pera ay ganoon din ang nararamdaman. Pero wala rin naman kaming magagawa, kasi kusang-loob namin ang pagsali. At pianpirma pa kami ng waiver. Hindi ko na matandaan ang nilalaman noon, pero sa pangkalahatan, sinasabi doon na lahat ng footage na makukunan sa amin ay pagmamay-ari ng TV5 at hindi namin iyon pwedeng hingiin sa kanila o gamitin para sa sarili naming mga interes. Nakasaad din yata roon na wala kaming makukuhang talent fee... Basta ang natatandaan ko nung pinirmahan ko yung waiver ay nakaramdam ako ng kaba, na baka magkamali lang ako ng isang galaw ay ipakukulong na nila ako nang habang buhay. Napagtanto ko kung gaano kahirap kumita ng pera. Game show na nga ito eh...
Naalala ko rin yung ka-batch ko sa Fastest Finger na si Jeremiah. Nutrition major (ata?) siya sa UP Diliman. Mga alas-nuwebe y medya na nang gabi noon nang magkuwento siya na may exam sila kinabukasan nang araw na iyon at naiwan pa niya yung panlinis ng contact lenses niya. Gusto man niyang mag-backout na ay hindi niya magawa dahil masasayang ang kanyang oras at pagod. Ang lagay naming sampung contestant nang gabing iyon ay hindi talaga pang-contest. Doon ko napagtanto kung bakit wala pang hindi artistang nanalo sa game show na iyon. Lahat kasi ng na-review mo ay matutunaw sa pinaghalong kaba at puyat na mararamdaman mo habang inaantay mong sumalang kayo sa taping. Talagang nakasalalay sa mood ng direktor ang haba ng itatagal namin sa set.






Matapos ang 11 Oras... Tayo na raw... ANO?! TAPING na natin??!!
 
Mga alas-diyes nang gabi ng tawagin ang batch namin para sa taping. Ibang mukha naman ng burukrasyang media ang naroon - yung floor director. Mabait naman siya, pero isa pa rin siyang direktor. Kung makautos siya animo'y may-ari ng TV5 (iyon ata ang official attitude na ini-inculcate sa mga direktor). Pag-upo namin, sineminar niya kami ng things-you-do-not-do-in-front-of-the-camera at tsaka ng what-to-do-with-your prize. Doon ko natutuhang bawal pala magpakuya-kuyakoy sa harsp ng camera. Bawal ang malikot. Pag may nangati, huwag muna raw kamutin, atbp... At heto na... Dumating na si Bossing! (after 30 minutes) Amputi pala ni Vic Sotto sa personal. Mayroong aura si Bossing na maangas ang dating pero mabait naman. At ksali rin siya sa production team kasi minsan ino-overrule niya ang staff (Minsan lang naman). Eye opening experience talaga iyon para sa akin - first time kong makakita ng teleprompter, at first time kong nakita kung paanong nakagagawa ng mga set gamit lamang ang bakal at kahoy. Parang pag may taong tumalon sa set namin ay guguho na iyon. Rinolyo na ang camera. Tapos Fastest Finger First. Ayusin daw sa tamang order ang title ng pelikula. Game. Pinindot ko: Pirates-Of-The-Caribbean. Tapos na ang round. Inannounce na ni Bossing. At ang pinakamabilis ay si-------------- ... AKO! Tumayo ako mula sa aking kinauupuan sa paraang chinoreograph namin kanina. Kinamayan ako ni Bossing at ibinuko on national TV na may collection ako ng bus ticket (Nga pala, ang mga tulad kong boring ang buhay ay mahihirapan sa parteng ito. Kailangan kasi mayroong kakaibang katangian ang buhay mo na mapag-uusapan niyo ni Bosing. Kasama yan sa mga tanong sa interview). Natapos ang taping nang mga ala-una nang madaling araw. At may sure 10,000 na ako. Pero naubusan ako ng time at sa next taping day na namin itutuloy ang round ko.
Katakut-takot na malas ang inabot ko sa sumunod na taping. Umulan nang pagka-lakas-lakas. Bumaha sa Marcos Highway at nang dumating ako sa studio ay basa pati medyas ko. Hindi nakarating ang mga magulang ko kaya binigyan ako ng staff ng "instant kamag-anak" kung baka-sakali ay kailanganin ng script. Tapos dun sa huling tanong ay narinig ko ang mga miron sa audiencce na bumubulong C... C... Kaya imbis na sundin ko ang hula ni Ate sa Phone-a-Friend ay naniwala ako sa mga miron. Ayun, umuwi akong may 150,000 pesos. Hindi na masama.

Ang una kong Pagsabak sa Acting (Also Starring: Ang Tatay Ko)

Dahil carry-over contestant ako, ginawan ako ng 30-second teaser para sa susunod na episode. Biglang may nag-text sa aking taga TV5 na kailangan ko raw maghanda para sa isang taping. Hindi pa nila makita yung lugar namin dahil napakalayo raw ng Paranaque. Pagdating naman nila, ay kung anik-anik ang pinagawa sa amin. Bukod sa stock interview, pinaglakad rin kami ng tatay ko sa kalsada sa tapat ng bahay namin nang magkaakbay. Ang awkward, kasi hindi naman naming ginagawa iyon. Umarte rin kaming nagri-review at nagbabasa at nagko-computer. Nakiusap pa nga yung staff dun sa may-ari ng suki kong computer shop kung pwede ba silang mag-taping doon. Mula noon ay nahiya na akong bumalik doon. Mabuti na lang nanalo ako ng computer at hindi ko na kinailangan pang bumalik doon. Oh, ratings na makapangyarihan, gagawin ang lahat tumaas ka lamang!

Sino ang tunay na Bossing?

Sa karanasan ko sa Who Wants, napagtanto ko ang isang bagay na matagal nang alam mg media theorists - na ang tao sa telebisyon ay kasangkapan lamang. Kasangkapan lamang sila sa pagbibigay-aliw sa madlang nanonood. Ang staff, ang mga contestant, ang mga professional contestant, ang mga professional na baklang tagasigaw ng BALATO!!!; si Manong Guard, si kuya Allan, si Bossing, at ako - lahat kami ay nagtatrabaho lang. Kung tutuusin, ang mga game show ay negosyo lang. Ang tunay na bossing sa larangang ito ay ratings, advertisements, at kita. Subalit anong magagawa ko? Nakinabang naman ako eh. Nakinanabang kaming lahat, kahit yung mga 300 pesos lang ang natanggap. At least hindi ako nagmacho-dance habang umiiyak. Nagamit ko yung stock knowledge ko para makahinga kami nang bahagya sa gastos. At nakabili naman ako ng laptop. Pero sa bandang huli, kaming lahat ay nakasapakat sa pulitika ng "Invisible Hand".

CRITICAL COMMENTARY III - Mga Katutubong Teoryang Pilipino: Sagot ng Pilipinas sa Hibik ng Postcolonialism

Sa aking post tungkol sa postcolonialism, inilarawan kung paanong naging madugo at marahas ang proseso ng pananakop noong panahon ng kolonyalismo. Nagdulot ito ng sakit, digmaan, kagutom, at pagdurusa sa mga sinakop. Inilarawan din doon ang pagkalitong naging bunga ng prosesong ito sa mga nabiktimang lipunan, sa mga larangan ng kultura, pagkakakilanlan (identity), at pulitika. Hindi na mabilang ang mga manunulat, makata, at iskolar na nag-aral at nagkuwento ng mga karanasang ito – sa India, sa Africa, sa Pilipinas.
Sa pagtatapos ng kanyang pamosong akdang The Wretched of the Earth hinimok ni Frantz Fanon ang mga kapwa niyang ex-col(onial) na iwaksi at iwanan ang mga impluwensiya ng Europa - ang Europang nagpapanggap na makatao, na siyang pangunahing mamamatay-tao. Mariing sinabi ni Fanon na walang mararating ang mga bagong silang na bansa kung patuloy nilang titingalain at gagayahin ang Europa (p. 236). Radikal man kung iisipin, may punto si Fanon nang sabihin niya ito. Sa dinami-rami ng naging kontribusyon ng Europa sa teknolohiya, sining, at kabihasnan, ang naging kapalit naman nito ay sandamakmak na dugong binubo sa ngalan ng kaunlaran. Ayon kay Fanon: “When I look for man in European lifestyles and technology I see a constant denial of man, an avalanche of murders
Kaya ang hamon sa mga ex-col ay ang mag-isip at magsuri ng mga panibagong pamamaraan ng pagkalap ng kaalaman – panibagong pagbuo ng kalinangan. Kailangan ng lipunan ang kultura at teknolohiyang galing mismo sa mga taong nangangailangan nito.
Dito pumapasok ang mga Indigenous Filipino Theories na inaral namin sa klase. Ito ang sagot ng Pilipinas sa hamon ni Fanon ng paggawa ng kaalaman para sa nangangailangan nito. Sagot ang mga IFT (KTP  dapat) sa mapang-api at mapag-tuyang perspektibo ng Kanulraning mga pagaaral, o Orientalism.
Pinaka-tumatak sa akin ang mga teorya ng Sikolohiyang Pilipino at Pantayong Pananaw. Ito ay sa dahilang may hatid silang mga bagong kaalaman tungkol sa ating bansa at lipunan na ngayon ko lamang lubusang naintindihan.
Ang Pantayong Pananaw ay nakapukaw sa aking atensyon dahil: una, sa galing mga teorista nito sa paggamit ng Wikang Filipino. Ikalawa, nakikita kong ang Pantayong Pananaw ay hindi lamang magagamait para sa sarili nating pangangailangan, kungdi para maihatid rin ang ating kasaysayan sa ibang lahi sa paraang makatotohanan at matapat. Baka naman puwedeng gamitin ang Pantayo upang mapabuti ang pagsusulat ng Pangkami.  

Isang panibagong pagsusuri ang hatid ng Sikolohiyang Pilipino sa mga pagpapahalaga at paniniwala na gumigitaw sa pagkatao nating mga Pilipino. Dinala ng Sikolohiyang Pilipino ang katutubong pananaw sa larangan ng sikolohiya. Nabigyang-kahulugan ng SP ang mga kaugaliang at pagpapahalagang Pilipino tulad ng utang na loob, pakikisama at hiya. Subalit nananatiling mahiwaga para sa akin ang teversal ng mga negative trait attribution sa mga kaugaliang tulad ng Talangka mentality. Bagaman nakatagpo ang SP ng kapani-paniwalang interpretasyon ng Talangka mentality, nananatili pa rin ang mapanirang katangian ng kaugaliang ito. Masasabi nating hindi pa lubusang nareresolba ng SP ang ilang mga kontradiksyon sa kanilang dakilang layunin na maipaliwanag sa Pilipino ang kaugalian ng Pilipino. Naipakita sa akin ng SP ang natatanging kaalaman ng mga Pilipino ukol sa sarili nilang lipunan at pakikisalamuha sa iba. Napalutang nila ito sa pamamagitan ng Teorya ng Kapwa. Masasabing mas nuanced ang teorya ng kapwa kaysa sa I at Other ng Kanluraning pilosopiya. Pinapakita nito ang natatanging pagpapahalaga ng mga Asyano sa kolektibong kamalayan at pananaw, di tulad ng indibidwalistang lapit ng mga Kanluranin sa pilosopiya. Ayon nga sa kanta: Walang sinumang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang.
Ang tanong na nabubuo sa isip ko ngayon: Paano kaya natin malulubos ang paggamit ng mga KTP sa ating buhay? Sa ating pag-aaral? Sa ating pulitika at sa ating mga diskursong pang-araw-araw tulad ng media? Paanong maipapakalat sa kamalayan ng nakararaming Pilipino ang mga KTP bilang naiibang paraan ng pagpapakahulugan? Baka naman sa ating paghahanap ng kasagutan ay makasumpong tayo ng mga kaalaman na makapagbabago sa ating pagtingin sa isang kasaysayan at nakaraang pilit na isinulat ng dayuhan para sa atin. Hanggang nagyon ipinagtataka ko pa rin kung bakit ang mga historyador at mananaliksik na Pilipino ay nangangailangan pang magpunta ng Espanya at Amerika para maghanap ng primary sources para sa kanilang mga akda. Hindi ba dapat na ang mga dokumentong tungkol sa Pilipinas ay nasa Pilipinas para mabasa at magamit ng mga iskolar na Pilipino? Ano kaya ang kahulugan ng ganitong sitwasyon? Baka naman may itinatagong mga bahagi ng ating kasaysayan ang ating mga dating mananakop... Misyon ng KTP na hanapin ang mga ito upang makatulong sa pagbuo ng bagong pagkakilanlan at kuturang maitututiring na taal at tunay na sariling atin.

Tuesday, March 29, 2011

Sa Ilalim ng Anim na Talamapakang Lupa: Tulang tugon sa Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez

Ginawa ko para sa Klaseng Great Works - 30 Hulyo 2010 - 1:40 ng hapon

Ang kapangyarihang nagmamalabis, kalayaa'y laging tinitikis,
kundi man sa tanikala, sa salita, anupa't sa pamamagitan ng baril.
Ang mga tinig na sumisigaw sa ilang, saysay ang sanlibong pagtitiis,
Ngayo'y parang lintik sa madaling-araw, kay bilis nang masupil.

Lipas na ba ang panahon ng gobyerno't lipunang mapagmalasakit
sa manunulat na nagbabata ng takot sa bawat araw na sumapit?
Bakit tila ipis kung kitlin ang mga mamamahayag nating nagpupumilit
na maihatid sa madla ang balita't kaganapan, malaki man o maliit?

Wika nga nila'y higit ang pluma sa kahit anong espada,
ngunit paano kung ang kalaba'y punglo, pera, at granada?
Paano kung pati ang madlang sinumpaang paglingkuran
ay nagwawalang kibo, nagbibingi-bingihan, nagbubulag-bulagan?

Mula kay Marlene Esperat hanggang kay Henry Araneta,
dugo na ngayon ang kapalit ng kuro, ng puna, ng balita.
Kung noo'y laking dusa na kung isang dipang langit ang tanging masilay,
ngayon ang pluma'y binubuldoser sa anim na talampakang lupang hinukay.

Gapangan man ng bulate't agnasin ang kanilang buto,
ay ganap nang talastas ng buong mundo:
Na dito sa bansang Pilipinas ang nagsasabi ng totoo at naghahatid ng turo
binibisita ng motorsiklo't pinapakain ng punglo.

Dinig ng Bathala ang sigaw ng dugong binubo sa Ampatuan,
walang talipandas na ang sala'y hindi pinagbabayaran.
Sapagkat kung sikilin ang karapatang sumulat at magsalita,
para na ring nilagutan ng hininga, kinitil ang pulso ng bayan.

CULTURAL PRODUCT ANALYSIS - Si Willie at si Unsay: Mga Padrino ng ating Panahon



May kakaibang dating sina Willie Revillame at Unsay Ampatuan na nakikita lamang sa mga “padrino” sa pulitikang Pilipino. Ayon kay John Sidel, ang mga "boss", o mga padrino sa pulitikang Pilipino, ay ang mga taong ginagamit ang kanilang mga angking resources upang makagawa ng bentahe sa larangan ng pulitika at kapangyarihan. Ilang halimbawa: ang taong nagpasikat kay Ramon Revilla Sr.: ang totoong Nardong Putik na si Leonardo Manecio, si Justiniano Montano ng Cavite, at si Ramon Durano ng Cebu. Tulad nila, hindi rin maipagkakaila ang kapangyarihan (sa magkaibang paraan) nina Willie at Unsay. Pareho silang may mga tagasunod. Pareho silang mayaman, at pareho silang sangkot (o nakisangkot) sa pulitika. Ito ay hindi dahil lamang dahil sa dalawa sila sa pinakakinaiinisan o pinakakinasusuklamang tao sa Pilipinas ngayon, kundi dahil sa kontrobersyal na pamamaraan ng kanilang pagsikat. Hindi naman maitatanggi na mainit ang naging usapan tungkol sa dalawang mamang ito. Naging laman sila ng mga balita dahil sa kakaibang paraan nila ng paggamit nila sa kanilang natamong puwesto (sa kaso ni Unsay) at kasikatan (sa kaso ni Willie). Umaalulong na maging sa website ng BBC at sa mga pahina ng Wall Street Journal ang ugong na nagawa ng dalawa sa mga pinakatumatak ng personalidad ng unang dekada ng milenyo.

Marami nang dahilan at paliwanag ang mga armchair intellectual, mga blogger, forumista, at mga taxi driver ukol sa kasikatan ng dalawang ito. Nariyan nang gamitan ng teorya ng Frankfurt School si Willie masabi lamang na kaya pumatok ang Wowowee at Willing-willie dahil isa itong uri ng hungkag, walang laman, at panandaliang aliw sa telebisyon na para sa mga masa, na di-umano'y hungkag at walang laman din naman daw ang utak. Nariyan nang sabihin na pinananatili ng Kapamilya at Kapatid ang kamangmangan ng tao sa pamamagitan ng pagkunsinti sa mga kalokohan ni Papi Wil, kapalit ng limpak-limpak na kita sa mga ads. 

Bawat utot nga naman kasi ni Willie sa show niya ay may makasulat o nakahambalang na produkto sa set ng "show ng bawat Pilipino". Umiinom na ba si Mr. Palengke ng Arthricin??? (picture galing dito.)

at ito pa... (from Wikipilipinas)

Bukod pa riyan ang mga pang-akit ng kababihan... (picture ng MAXIM galing dito)
(Luningning... sa'yo pa lang busog na'ko ^___^)


...at ang hinihintay ni Jan-Jan... (screenshot galing dito)

Ang pinagkaiba lang ni Willie kay Mr. Krabs ay hindi secret ang kanyang formula. Madali lang makakuha ng audience sa Pilipinas: STEP 1: Magpamudmod ka ng pera. STEP 2: Magpakita ka ng mga taong handang magmukhang-kawawa para sa kaunti nito. STEP 3: Tapos magpasayaw ka ng mga seksing babaeng nangangarap na magiging artista. STEP 4: Awayin mo on air lahat ng kaaway mo at... Bulaga! Magkaka-stampede na saan ka man nagpunta.

Ito ang nakita kong epekto ng Wowowee at ni Willie sa lipunang Pilipino. Para sa mahihirap, si Willie ay isang Robin Hood - hinuhuthutan ng advertisements ang mayayamang sponsors at nagmamagandang-loob na TFC subscribers upang makapagbigay-ganansiya sa naghihintay na palad ng mahihirap nating mga kababayan. Hindi naman natin masisi ang mga taong ginawa nang full-time na trabaho ang pagpila at pag-recruit ng mga pipila sa Wowowee at Willing-willie. Salat nga naman sila sa aral at sa oportunidad, kaya nagbabakasakali. At para naman sa mga naiwan sa bahay, ang saya na dulot ni Willie ay ang makita ang mga taong tulad nila na nasa telebisyon. Hindi mayayaman at mapuputing artista na nagpapaka-trying hard na magmukhang mahirap - kundi mga totoong taong naghihirap: sumasayaw, kumakanta, tumatawa habang umiiyak, nagra-rap, nagma-macho dancing at nagpapakatanga lang minsan, upang may maipatong na ulam sa mesa. Mas may karapatang umiyak ang may totoong dahilan para gawin ito. Sa ganitong paraan nahuli ni Wiliie ang kiliti (at ang mga TV) ng marami sa ating mga kababayan. Samakatuwid, sa postmodern/Birminghamian na pananaw, si Willie Revillame ay promotor ng isang mass cultural product na may diskursong mapang-akit sa kamalayan ng target nitong audience. Ito ang sandata ni Willie sa kanyang pakikidigma laban sa lahat ng kumikuwestiyon at umaaway sa kanya: nasa kanya ang ad revenues at ang suporta ng masa.

Patok din si Willie sa mga Pilipinong nasa ibang bansa - ang Pinoy diaspora - lalung-lalo na sa Amerika. Dahil naipapalabas sa TFC, maraming Pilipino ang nakapapanood ng Wowowee, at kapag bumabalik ng Pinas para magbakasyon ay dumadaan pa ng studio para makapanood. Sila ang ikalawang target market ni Willie. Gamit naman sa kanila ni Willie (pati na rin sa ibang audience) ang kanyang kakaibang atake sa hosting. Ang mga banat ni Willie sa kanyang mga show ay isang halu-halo ng mga salitang bastos, mga biro at banat na mapanglait (lalung-lalo na kay Pokwang), at ang kanyang mga "tagline": "Pagpapasaya", "Pagtulong", "Pangu-unawa. "Kesehodang namatay si Tita Cory, eh nagsasaya kami rito, bakit niyo sisingitan ng ganyan?" Walang takot si Willie na sabihin ang kanyang gusto sa kanyang kaharian, este, noon-time show. Risque humor at slapstick antics, ika nga.

(PARA SA MGA CLUELESS ^_^) Hindi siya artista, pero mabilis na sumikat si Andal Ampatuan, Jr. nang idiin siya sa pinakamalaking katayan ng reporter na naganap Nobyembre ng nakaraang taon. Siya ang mayor ng bayan ng Datu Unsay, Maguindanao (at si Ampatuan, Jr. ay kilala rin sa pangalang Unsay). Itinuro siya bilang tagapanguna sa pagpatay ng 57 journalists na bumubuntot sa convoy ni Governor (na ngayon) Toto Mangudadatu sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao. Nang dumating ang mga pulis sa crime scene, nadatnan pa ang backhoe na ginamit upang ilibing ang mga biktimang ginahasa, binaril sa bibig, at pinagbubugbog muna bago patayin.

Nagulat at narimarim ang bansa at ang buong mundo sa walang takot na pamamaslang at pangagahasa ng mga reporter, na karamihan ay mga babae. Dahil dito'y lalong sumadsad ang imahen ng Pilipinas sa larangan ng press freedom at journalist safety. Napilitan tuloy ang "ninang" ng mga Ampatuan na si Rep. GMA na mag-deklara ng martial law sa Maguindanao. Itiniwalag ng LAKAS-KAMPI-CMD ang mga Ampatuan ( na siyang nagdeliver ng 12-0 na tagumpay para sa TEAM GLORIA noong 2007 election. Opo, 12-0 sa Senatorial slate, sa maraming bayan ng Maguindanao.

Ang angkan ng Ampatuan ay nagmula sa mga sinaunang mamamayan ng Maguindanao.Unang marinig ang kanilang pangalan sa pulitika nang maging paramilitary leader at vice-mayor ng Maganoy ang ama ni Unsay, si Andal Ampatuan, Jr. Mula noon ay unti-unting pinalakas ng mga Ampatuan ang kanilang kapangyarihan, at noong 2001, sa tulong nga mga mayor ng Maguindanao (kabilang ang mga Mangudadatu), ay nakopo ng mga Ampatuan ang puwesto ng gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na sa madaling sabi, ay ginawa silang mga hari ng Muslim Mindanao. Gamit ang kanilang kapangyarihang pulitikal, nagkamal ng armas at private army ang mga Ampatuan sa pamamagitan ng mga Civilian Volunteers na inarmasan at ginawang mga sundalo ng Hukbong Ampatuan.

Kakaiba ang pagmomonopolyo ng pulitika ng mga Ampatuan, dahil pami-pamilya sila kung kumandidato at naglalabanan pa para sa puwesto.  Ayon sa Newsbreak, noong Pebrero 2010 ay may 44 na miyembro ng pamilya Ampatuan na may hawak na halal na puwesto ng gobyerno sa Maguindanao. Sa artikulo namang ito, nalaman ko na pinagsasabong nga mga Ampatuan ang kanilang mga kamag-anakan sa pulitika. Ama laban sa anak, kapatid laban sa kapatid. Sa halalan 2010, 68 ang tumakbong Ampatuan. 23 rito ang direktang kamag-anak ng matandang Ampatuan

May tatlong tema ang diskursong ukol kina Unsay at sa mga Ampatuan. Ito ay ang kulto ng pagkatao (Personality cult), kultura ng pulitikang marahas (Violent Politics) at amoral display of power.

Ampatuan
Barira
Buldon
Buluan
Datu Abdullah Sangki
Datu Anggal Midtimbang
Datu Blah T. Sinsuat
Datu Hoffer Ampatuan
Datu Odin Sinsuat (Dinaig)
Datu Paglas
Datu Piang
Datu Salibo
Datu Saudi-Ampatuan
Datu Unsay
Gen. S. K. Pendatun
Guindulungan
Kabuntalan (Tumbao)
Mamasapano
Mangudadatu
Matanog
Northern Kabuntalan
Pagagawan
Pagalungan
Paglat
Pandag
Parang
Rajah Buayan
Shariff Aguak (Maganoy)
Shariff Saydona Mustapha
South Upi
Sultan Kudarat (Nuling)
Sultan Mastura
Sultan sa Barongis (Lambayong)
Talitay
Upi

Nakalista sa itaas ang mga pangalan ng mga bayan sa Maguindanao. Mapapansin na maraming bayan na nakapangalan sa mga tao. Sa katunayan, ipinangalan ang mga ito sa mga miyembro ng pamilya Ampatuan, at sa iba nilang kaalyadong political clan (oo, alyado pa noon ang Mangudadatu at Ampatuan). Sa aking bilang, 11 bayan ang ipinangalan sa mga Ampatuan, at sa mga allies nila. Limang bayan  (Ampatuan, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Saudi-Ampatuan, Datu Unsay, Shariff Aguak) ang ipinangalan sa mga miyembro ng Ampatuan family (isa na rito ang nakapangalan sa kanilang angkan mismo). Nga pala, ang pangalan ng ama ni Ampatuan Sr. ay Kagui Aguak. Ang ganitong pagpapangalan ng mga bayan at lugar sa mga taong nakaupo sa pwesto ay gawain din ng mga diktador na tulad ni Stalin ng Russia at Trujillo ng Dominican Republic. Sinasalamin nito ang isang uri ng pagkontrol o pagsasasaysay ng kontrol ng mga Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao bilang kanilang teritoryo (kung hindi man nila pag-aari). Kakaiba rin ang pagbibigay-pugay sa mga ninunong dakila ng mga kakampi nilang angkan na makikita sa pagkakapangalan sa mga bayan ng Datu Abdullah Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Blah T. Sinsuat, Mangudadatu, at Shariff Saydona Mustapha. Ang mga pamilya Sangki, Midtimbang, Sinsuat, at Mangudadatu ay naging mga kakampi ng mga Ampatuan sa halos siyam na taon nilang paghahari sa Maguindanao. Si Unsay mismo ay mayor ng bayan na ipinangalan sa kanya. Masasabing ang bayan ng Datu Unsay ay ang kaharian ni Datu Unsay Ampatuan.

Ang ikalawang tema ng diskurso ukol sa Ampatuan ay ang marahas na paraan ng pulitika ng mga Ampatuan. Sila ang itinuturong nasa likod ng maraming pagpatay sa mga rebeldeng MILF at iba pang kalaban sa pulitika. Nakatatak na rin sa diskurso ang "massacre politics" ng mga Ampatuan na makikita sa mga insidente ng Chainsaw Massacre at ng Backhoe Masacre (ang November 23 incident). Ayon kay Ben Tesornia, naglabas ng isang report ang Human Rights Watch. Ayon sa ulat ni Tesornia:

"In its 97-page special report, the HRW divulged how more than 100 people were said to have been massacred by the Ampatuans in 2002 as retaliation for the December 24, 2002 death of Saudi Ampatuan and 17 others and the wounding of 11 other supporters in a bombing incident in Datu Piang town.

The late Saudi Ampatuan is said to be Datu Andal Ampatuan Sr.'s favorite son. "A local resident and a community leader who was close to the Ampatuan family at this time, each estimated that in response to the bombing, the Ampatuans killed more than 100 people. The local resident told Human Rights Watch, 'Any person they suspect, they kill,'" stated the report.

Witness Suwaib Upahm said in his sworn statement that he witnessed "senior Ampatuan family members and their men kill more than 20 people during the day following the bombing, on a mountain near the Shariff Aguak capitol building"."


Hindi pinaligtas ng mga Ampatuan maging ang kanilang mga kamag-anak. Ayon sa journalist at dating governor ng North Cotabato na si Manny PiƱol, pinapatay ng matandang Ampatuan ang kanyang mga pinsan na sina Surab Abutazil, Unsik Opam at Paglala Bantilan, dahil banta raw ang mga ito sa mga ambisyon ni Andal Sr.


Maging ang isang uri ng malakas na paputok ay bininyagan na ring "Ampatuan", kaya  masasabing pumasok na sa kamalayan ng wikang Pilipino ang salitang "na-Ampatuan", na nangangahulugang tinaga, minassacre, o nalintikan sa makahayop na paraan. Ayon nga sa post ni alyas freedomcom sa igma.tv Forums:


"kunwari me nan[i]ningil sayo ng sobrang mahal. sasabihin natin wag mo naman ako AMPATUANIN. ibig sabihin wag moko tagain. at pag me massacre. pede sabihin . dali me naampatuan duon oh. at pag me pikon . sasabihin natin. wag ka naman ampatuan ibig sabihin wag kang pikon o bobo na makitid utak.,. at pag me nangyaring makahayop. pede na ipalit ang .dali me nakita ako duon na INAMPATUAN nila oh.
mas sikat na [ka]si ampatuan
."



Ang huling tema ng diskursong ukol kay Unsay at sa mga Ampatuan ay ang kanilang reputasyon ng pagka-imoral - ang diumano'y hilig nila sa alak, babae, sugal, at karahasan. Bali-balita ang walang habas na pamimigay ng pera nina Zaldy at Andal Sr. nang minsang umalis ang mga ito ng bansa. Hayok din umano sa casino at mahjong ang matandang Ampatuan, na palagi raw may kalarong isang makapangyarihang pulitiko sa Luzon at isang iniidolong atleta sa mga larong 1-2-3 todas, kung saan ang bagsak sa isang todas ng mahjong ay nagsisimula sa isang mliyong piso. Para naman kay Unsay, ang reputasyon niya ay bilang "hatchet man" ng pamilya. Siya ang dumidispatsa sa mga kalaban ng angkan. Matadero kumbaga. Hindi na ipinagtataka ang maraming asawa ni Unsay, dahil tanggap ito sa kulturang Muslim. Subalit ang natatanging katangian niyang pinalulutang ay ang akanyang diumano'y kawalan ng pagsisisi. Si Unsay rin ang  pinakamayamang Ampatuan, ayon sa Mindanews, na may yamang aabot sa 30 milyong piso (yung deklarado pa lang). Halang ang bituka, kumbaga. Ito ay base sa mga litratong nagkalat sa internet sa pagkakakulong ni Unsay, na animo'y walang iniintindi at nag-eenjoy pa sa kulungan, pahikab-hikab pa sa trial (Pictures galing sa Google Image Search at dito.)












Sa madaling sabi, ang tatlong temang ito ang humubog sa pakahulugan ng ma di-taga Maguindanao sa lahing kinabibilangan ni Unsay. Kinatawan ni Unsay Ampatuan ang ating mga persepsyon ng ating pulitika at ng ating mga pulitiko: mayaman, makapangyarihan, ma-bisyo, mamamatay-tao.


May pagkakaiba at pagkakapareho ang mga diskurso nina Willie at Unsay:


Mula rito, aking nahinuha na:
Sina Unsay at Willie ay may hawak na isang mahalagang “resource” na nagsisilbi nilang panghawak sa kanilang mga “tagasunod”.
Kay Willie = pera at pang-aliw; Kay Unsay = puwesto, kamag-anak, pangalan at karahasan
Ginagamit nila ito para sa kanilang pansariling pagpapayaman. E.g., Yate ni Willie, Mga mansyon ng Ampatuan.    

Na nangangahulugang:
Mababa ang kalidad at mataas ang antas ng komersyalisasyon ng Philippine Entertainment Media.
Gayunpaman, nananatili itong makapangyarihan sa paghubog ng kaisipan ng nanonood (at nagsi-surf)
Ang tingin natin kay Willie Revillame: Inspirasyon, Kunsumisyon, at Dibersyon (pang-aliw lamang at di siniseryoso).


Sanggunian:
Sidel, J. (1997). Philippine politics in town, district, and province: Bossism in Cavite and Cebu. The Journal of Asian Studies, 56 (4), pp. 947-966.


Monday, March 28, 2011

CRITICAL COMMENTARY II - Postcolonialism

Sabi ni Sampaguita, nalilito raw ang isip kapag nakakakita ng bago. Bagong tao, bagong kaugalian, bagong armas, bagong pinuno, bagong relihiyon, bagong buwis, bagong sakit, bagong buhay, bagong pagkatao, bagong problema. Ganyan karaming bago ang bumagyo sa libu-libong tao noong panahon ng Kolonyalismo. Lumalabas tuloy na ang kolonyalismo ay isang proseso ng panlilito.Panlilito ng mananakop sa nasasakupan para mahuthutan ng kayamanan at mapaunlad ang dayuhang bayan. Ayon sa mga dependencista, binabalangaw ng mga bansang mananakop (Colonizers) ang mga colonized countries sa larangan ng export trade.

EXAMPLE: Sa colonized countries/mahihirap galing ang ingredients, colonizers ang magluluto, at colonized countries ang bibili. Ang sagot ng mga dependencista - bakit hindi mahihirap na bansa ang magluto ng sarili nilang ulam? Bakit hindi sila ang gumawa ng sarili nilang industriya? Bakit hindi ang mga sinakop ang sumulat ng sarili nilang kasaysayan? Bakit hindi sila mismo ang magkuwento ng kanilang karanasan?
Ang postcolonialism ay isang reaksyon sa mga epekto ng kolonyalismo at pananakop sa mga bansa at sa mga lipunang kolonyal.

Ah, Britain ! Great Britain ! 
Great Britain of the endless sunshine! 
She hath conquered the oceans and laid them low; 
She hath drained the little rivers and lapped them dry; 
She hath swept the little nations and wiped them away; 
And now she is making for the open skies. 
She sent us the preacher: she sent us the bottle, 
She sent us the Bible, and barrels of brandy; 
She sent us the breechloader, she sent us cannon; 
O, Roaring Britain, Which must we embrace? 
You sent us the truth, denied us the truth; 
You sent us the life, deprived us of life; 
You sent us the light, we sit in the dark, 
Shivering, benighted in the bright noonday sun. 
                                     -S.E.K. Mqhayi, South African poet

Sa tulang ito inilalahad ang mga kontradiksyon at pagkalitong hatid ng kolonyalismo. Nag-iwan ito ng napakalalim na sugat sa kultura at kamalayan. Ang tinutukoy kong (mga) sugat ay ang colonial mentality. Malalim ang iniwan nitong sugat, lalung-lalo na sa ating bansa. Hindi mamatay-matay ang ating pagkahilig sa imported. Ang ating konsepto ng Stateside ay isang sakit na postcolonial. Alam dapat nating malala na ang Stateside syndrome natin dahil tinatawag na tayong "brown Americans". Hindi na natin dapat pang ipagkaila na kahit anong bulalas natin ng nasyonalismo at kahit anong kanta ng Ako Ay Pilipino, kapag pinapili tayo ng produkto ay hindi na natin pagiisipan pa kung local o imported ang bibilhin. Nawawalan tuloy ng pag-asa ang mga lokal na industriya dahil siguradong mapapatay sila ng global brands. Kaya rin siguro ayaw nilang mag-invest sa research and development dahil alam naman nilang mapapatay lang sila ng imported at ng MNC.
Kahit sa pulitika at edukasyon ay pakung-pako pa rin tayo sa colonial mentality. Nagpupumilit tayong mag-Ingles kahit usong-uso na ang "nosebleed". Para sa akin ang konsepto ng "nosebleed" ay pagpapahiwatig natin na di akma sa atin ang magsalita sa dayuhang wika. Marahil "dumurugo ang ating ilong" dahil may nais tayong sabihin na hindi natin masabi sa Ingles, pero hindi naman natin alam ang katumbas sa ating katutubong wika (na nais ding palitan ng isang DAYUHANG WIKA dahil naman sa dialect differences...) Kaya ako? Kahit tanungin ako nang pa-Ingles ng taong alam kong marunong mag-Filipino ay sasagot ako sa wikang Filipino. Filipino ka kaya gamitin mo ang wika mo dahil wala nang ibang gagamit niyan!
Sa pangkalahatan, pakiramdam kong malaki ang hamon ng Postcolonialism sa Pilipinas. Hinahamon tayo nito na alamin at tanggapin natin ang ating mga katutubong pagpapahalaga at tignan kung paano tayo nito maisasalba sa dusa. Hindi natin dapat pakinggan ang mga nagsasabing ang daan ng Kanluran ang tamang daan. Hindi natin dapat pakinggan ang nagsasabing kailangan nating itapon ang ating mga pagpapahalaga. Tama naman si James Fallows nang sabihin niyang damaged ang kulturang Pinoy, pero hindi ito nangangahulugang kailangan nating itong itapon. Dapat natin itong ayusin. At tayo ang dapat mag-ayos nito gamit ang sarili nating mga paraan. Ang tanong ko: paano tayo makakabangon mula sa colonial past kung patuloy na nabubuhay ang multong ito sa pamamagitan ng mga OFW na itinatatwa ang kanilang pinagmulan at panay-panay ang papuri sa mga bansang kanila lamang namang pinagsisilbihan? Napakarami na nga ba talaga ng mga "New Yorker in Tondo?"
Paano natin sismulan ang pagbuo ng isang bagong kamalayan na tulad ng rinireseta nina Fanon at ng iba pang postcolonial? Kung sinunog na mga mananakop ang mga labi ng ating sinaunang kabihasnan, at pinagmukha tayong unggoy ng mga dayuhan? Tatanggapin na lamang ba natin na tayo'y walang tunay na pagkakakilanlan at mananatili na lamang tayong pirmihang nangongopya? Paano natin makakamit ang tinatawag na hybridity?


Pulitika ng Kahubaran: Nang maging Talk Show ang aming Klase, Part I

Isang buwan na ang nakalipas nang mag-ala talk show ang klase namin sa Cultural Politics. Nag-ala-host si Sir, at nagdala pa ng mga special guest. Pero 'di tulad ng mga guest sa mga talk show natin dito na puro sayaw, luto, at halakhak ang ginagawa, may nalalaman ang mga naging guest sa aming munting talk show. At may laman din ang mga sinasabi nila.
Ang kauna-unahang guest namin ay isang professor ng Political Science, si Dr. Vene Rallonza. Sayang nga lang at hindi maipapalabas sa TV ang episode namin nang araw na iyon dahil censored ang topic. Pag-usapan ba naman daw ang pulitika ng paghuhubad. Bakit hindi? Hindi ba personal na usapin ang paghuhubad? Ika nga ng mga feminista, "The personal is the political". Ang personal mong problema ay problema nating lahat. Ang problema ng mga babae ay problema nating lahat. Eh paano kung sa kalye o sa Luneta ginawa ang paghuhubad?
Ano ang ibigsabihin ng ganitong mga gawain? Bakit at paano ginagamit ng mga tao ang hubad nilang katawan para sa isang layunin (maliban sa paghahanapbuhay)?
Sikat ang People for the Ethical Treatment of Animals bilang aktibista ng mga hayop. Kung may grupong makakaliwang sumisigaw ng "human rights!", silang mga taga-PETA ang sisigaw ng "animal rights!" Pero kung ang karapatang pantao ay mahirap na ngang ipaglaban, paano pa kaya ang karapatang panghayop? Ang naisip na paraan ng PETA ay "animal" din ang dating. Paghubarin natin ang mga tulad ni Alicia Meyer, Pamela Anderson, at Joana Krupa! Magpaikot tayo sa kalsada ng mga seksing babaeng naka-litsugas lang!

Ang mga ganitong ads ang nagpataas ng aming speaker, dahil nga naman it mismo ang pang-aapi at pagsasakasangkapan ng mga babae na siyang tinututulan ng mga feminista. Talaga bang kailangan nating apihin at kasangkapanin ang isang grupo para maipaglaban naman ang kapakanan ng iba? Itatali mo ba sa kama ang girlfriend mo at pawawalan sa kalye ang aso mo? Hindi ba pwedeng pareho na lang silang malaya?
Ang sagot ay nasa paggamit ng kahubaran. Kung naghuhubad ang isang babae at hinahayaan ang kanyang katawan na magamit bilang kasangkapan ng pagnanasa ng ibang tao; para maiparating ang isang mensahe wala siyang nararating. Hindi naiintindihan ang kahulugan (o hindi nagtatagal sa kamalayan) dahil nalunod na sa mas malakas na daluyong ng pagnanasa. Pero kung ang paghuhubad ay isang pangahahamon (para bang maghuhubad ang isang babae sa harap ng madla at hinahamon ang mga mapang-api na gahasain siya sa harap ng madlangpeepol)... Ibang usapan na... May kabuluhan nga ang kahubaran sa pulitika... Sa mga kapatid nating babe, manghahamon ba kayo o mang-aakit?